TACLOBAN CITY, Philippines – Matapos ang ilang araw na pananahimik, nag-ingay ang Cebu City matapos manguna sa combat sports sa kabila ng patuloy na pamumuno ng host Leyte Sports Academy-Smart Saturday sa Visayas leg ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012.
Kumuha ng mga gintong medalya ang Cebu City sa karatedo, taekwondo at arnis events.
Humakot ang Cebu City ng 28 gold, 22 silver at 25 bronze medals sa qualifying leg para sa National Finals sa Disyembre sa Iloilo City.
Sa kabila nito, hawak pa rin ng LSA-Smart, nagdomina sa track and field competitions, ang liderato sa likod ng kanilang 34-22-22 tally kasunod ang Bacolod City na may 32-22-20 at Negros Occidental na kumolekta ng 27-13-13.
Pumitas rin ang Cebu City ng mga ginto sa chess competitions sa Governors Hall.
Sa taekwondo, humablot ang Cebu City ng pitong gold medals.
Ilang siyudad sa Cebu ang nagbulsa ng ginto sa karatedo kung saan sa kabuuang 11 gold medals ay lima ang sinikwat ng Cebu City kasunod ang tig-tatlo ng Mandaue at Lapu Lapu City.
Sa arnis, pitong ginto ang inihataw ng Cebu City kasama na ang mga panalo nina Mika Grava sa girls pinweight full contact, Ronilo Lumantad sa boys flyweight, James Indig sa boys bantweight at Luke Placyd Galon sa boys lightweight.