LOS ANGELES --- Sa pagkakahugot kay Mike D’Antoni bilang bagong head coach ng Los Angeles Lakers, hangad naman ng koponan na makuha si Utah Jazz guard Raja Bell.
Mangyayari lamang ito kung makukumpleto ang contract buyout kay Bell, sabi ng league sources sa Yahoo! Sports.
Huling naglaro si Bell para sa Jazz sa nakaraang season.
Ang 36-anyos na si Bell ay nakasama ni D’Antoni sa Phoenix Suns.
Mula sa isang $100 million payroll at dagdag na $30 milyon na luxury-tax expenditures, hindi tiyak ng Lakers kung may aalising player.
Para mahugot si Bell, kailangan ng Lakers na maglabas ng $1.3 milyon bukod pa sa buwis.
Ilang beses nang nabigo ang Lakers na makakuha ng trade para sa ilan nilang bench players.
“The biggest question is the taking on of more money,” sabi ng league source sa Yahoo! Sports.
May kontrata pa si Bell sa Jazz, ngunit pinayagan siya ng Utah na hindi maglaro ngayong season hanggang makakuha siya ng magandang alok mula sa ibang NBA teams para sa buyout.