NEW YORK – Si Brooklyn Nets forward Reggie Evans ang naging unang player na pinagmulta ng NBA dahil sa flopping o ang tinatawag na pag-arte para makakuha ng foul matapos patawan ng $5,000 multa dahil sa second offense.
Pinarusahan si Evans dahil sa pag-arte matapos ang light contact kay Metta World Peace ng Lakers noong Martes ng gabi kung saan muntik siyang bumangga sa referee na nakatayo sa sideline na hindi malayo sa kanya.
Nakatanggap si Evans ng warning nang bumagsak ito bagama’t wala namang masyadong contact sa pakikipag-agawan ng rebound sa laban kontra sa Boston noong Nov. 15.
Gumawa ang NBA ng bagong rules sa flopping ngayong season sa kanilang layunin na sawatain ang pag-arte ng mga players para makakuha ng foul.
Pagkatapos ng warning, magkakaroon ng $5,000 fine sa first offense na lumalaki ng $10,000, $15,000 at $30,000 sa mga susunod na offenses.