Gesta, Farenas lalaban sa undercard ng Pacquiao-Marquez IV

CEBU, Philippines - Hindi lamang si Mercito ‘No Mercy’ Gesta ang matutunghayan sa undercard ng ikaapat na salpukan nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa Disyembre 9 (Manila time) sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Idinagdag ang pangalan ni Filipino fighter Michael Farenas sa undercard upang harapin si dating world featherweight champion Yuriorkis Gamboa ng Cuba.

“It’s going to be a great night for the Filipino boxing fans, not only with Pacquiao, but now, with Gesta and Farenas,” sabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa panayam ng The Ring.

Bitbit ng 29-anyos na si Farenas ang kanyang 34-3-4 win-loss- draw ring record kasama ang 26 KOs, habang dala ng 30-anyos na si Gamboa ang kanyang 21-0-0 (16 KOs) slate.

Nagposte ng 7-0-1 mark si Farenas, kasama dito ang dalawang KO wins, makaraang mabigo kay Marlon Aguilar via unanimous decision noong Mayo ng 2010, samantalang huling lumaban ang Cuban Olympic gold medalist na si Gamboa noong Setyembre nang kumuha ng isang unanimous decision win laban sa kasalukuyang WBC featherweight king na si Daniel Ponce de Leon ng Mexico.

Sa isa pang undercard ng Pacquiao-Marquez IV ay hahamunin ni Gesta si Mexican IBF lightweight titlist Miguel Vazquez.

Tangan ni Gesta ang kanyang 26-0-1 (14 KOs) card laban kay Vazquez (32-3-0, 13 KOs) na matagumpay na naidepensa ang kanyang IBF lightweight title kay Marvin Quintero via split-decision noong nakaraang buwan.

Maghaharap ang 33-anyos na si Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) at ang 39-anyos na si Marquez (54-6-0, 39 KOs) sa ikaapat na pagkakataon sa isang non-title, welterweight fight.

“A week later, we have Nonito Donaire. So they’re becoming one of the most important countries for boxing in the entire world,” sabi ni Arum sa upakan ng unified world super bantamweight ruler na si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. kontra kay Mexican challenger Jorge Arce sa Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.

Show comments