Mainit ang New York, Memphis at LA Clippers
Kung noong una sinasabing ang LA Lakers at ang Miami ang maglalaban sa NBA finals, baka nagbago na ang usapan ngayon.
Ang defending NBA champion na Miami ay masasabi nating team-to-beat pa rin dahil sila ang nangunguna sa Southeast division sa Eastern Conference sa pagbibida siyempre ng Big 3 nina LeBron James, Chris Bosh at Dwyane Wade.
Sa kaso ng Lakers, alam nating malakas sila dahil kina Dwight Howard, Kobe Bryant at Pau Gasol pero 4-5 pa lang ang kanilang record ngayon. Tignan natin kung ano ang magagawa ng kanilang bagong coach na si Mike D’Antoni.
Habang nakatutok ang lahat ang Miami at Lakers, umaarangkada naman ang New York, ang LA Clippers at ang Memphis…. Oo, ang Grizzlies na di pinapansin ng marami ang nangungunang team ngayon sa buong NBA sa kanilang 8-1 record kabilang ang limang sunod na panalo kung saan kasama sa tinalo nila ang Heat.
Ang Oklahoma City, alam natin na talagang palaban ‘yan matapos mag-runner-up sa Miami noong nakaraang season at intact ang kanilang team sa pangunguna nina Russell Westbrook at Kevin Durant.
Mahigpit na kalaban ng Memphis sa kasalukuyan sa Southeast division ang San Antonio na di nalalayo sa kanilang 8-2 record at patuloy na maganda ang ipinapakita.
Nasapawan na rin ng Clippers ang Lakers sa Pacific division taglay ang nangungunang 7-1 record.
Ang Knicks na sumibak kay D’ Antoni ay umarangkada sa ilalim ng kanilang bagong coach na si Mike Woodson para pangunahan ang Atlantic division sa 7-1 record.
Maganda rin ang itinatakbo ng Minnesota kahit wala sina Kevin Love at Ricky Rubio para sa 5-4 record.
Kakaiba sa inaasahan ang mga nangyayari ngayon sa NBA matapos ang ilang linggo pa lamang pero tignan natin kung ano ang magaganap sa mga susunod na linggo.
- Latest