LOS ANGELES -- Nagtala si Kobe Bryant ng 22-points, 11-rebounds at 11-assist para sa kanyang ika-18th career triple double nang igupo ng nabigyang buhay na LA Lakers ang Houston Rockets, 119-108 nitong Linggo ng gabi para sa kanilang ikaapat na panalo sa limang laro sapul nang sibakin si coach Mike Brown.
Nagtala si Dwight Howard ng 28-points at 13-rebounds at umiskor naman si Pau Gasol ng kanyang ika-15,000 career points sa kanyang naiposteng 17 upang ibigay ang ikalawang sunod na panalo sa kanilang bagong coach na si Mike D’Antoni kahit nasa locker room lang ito nanonood ng laro at ang interim coach na si Bernie Bickerstaff ang nasa bench.
Sa New York, nagtala si Carmelo Anthony ng 26-points at 9-rebounds upang tulungan ang New York na makabawi sa paglasap ng kanilang unang talo sa season sa pamamagitan ng 88-76 panalo sa Indiana Pacers.
Nagdagdag si JR Smith ng 13-points at may 11 si Raymond Felton para sa Knicks sa kanilang tanging laro sa sariling balwarte sa loob ng pitong laro upang isulong ang kanilang record sa 7-1.
Sa Oklahoma City, naitala ni Kevin Durant ang ang kanyang unang triple-double matapos magposte ng 25-points at 13-rebounds at career-high 10-assists upang pangunahan ang Oklahoma City sa 119-109 pananalasa sa Golden State Warriors.