MANILA, Philippines - Nagpamalas ang Petron Blaze ng pinakamagandang laro nito sa loob ng nakaraang apat na taon tungo sa 110-81 pananambak sa Globalport na nag-akyat sa Boosters sa gitna ng team standings ng PBA Philippine Cup eliminations na nagpatuloy sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Sa unang anim na minuto lamang pinaporma ng Petron Blaze ang Batang Pier bago lumayo na ng husto para maitala ng Boosters ang kanilang ikalawang sunod na panalo at iangat sa 5-6 ang kanilang karta matapos ipalasap sa Batang Pier ang pang-anim na sunod na talo na nagbaon lalo sa kanila sa ilalim ng team standings sa kanilang 1-9 record.
“It was combination of a lot of things. We caught Globalport on their worst game of the season. Kami naman sinuwerte on the offensive end. Nagkataon lang,” pahayag ni Petron Blaze head coach Olsen Racela pagkatapos ng pinakatambakang laro sa conference.
Ang 29-point winning margin din ang pinakamalaki ng Boosters mula nang tambakan nila ang Barangay Ginebra, 118-89 noong October 22, 2008 sa Philippine Cup.
“When you’re in a losing streak, it’s hard to get out of the streak. Feeling mo lahat ng ginagawa mo mali. But when you get out of it, tumataas ang confidence mo. When we won against Rain or Shine, it gave us the confidence in this crucial stretch,” dagdag pa ni Racela matapos ang kanilang back-to-back wins para makabangon sa three-game losing streak.
Nagbida sa panalo ng Petron Blaze ang 22 points, six rebounds at six assists ni Chris Lutz samantalang apat na players pa ang umiskor din ng double figures sa pamumuno ng 20 ni Arwind Santos na nagdagdag pa ng 13 rebounds.