Nagpiyesta ang mga dehadista sa panalo ng Malambing, Orthodox

MANILA, Philippines - Dalawang magkasunod na dehado sa pagtatapos ng karera noong Huwebes ng gabi ang naghatid ng saya sa mga dehadista na sumaksi sa tagisan sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Naunang nagpasikat ang kabayong Malambing na dala ni JPA Guce nang nakaremate mula sa malayong ikatlong puwesto para pagharian ang 3YO Philracom Handicap (04) race.

Sa 1,500m distansya pinaglabanan ang tagisan  at naunang kumamada ang Silver Honey, The Good Daughter, Cote De Azur at Fireworks habang ang Malambing ay nakabuntot lamang.

Tumira ang Cote De Azur na ginabayan ni Jessie Guce at tumakbo kasama ang coupled entry na Spectacular Ridge, sa back stretch at kinuha ang kalama-ngan sa Silver Honey na sakay ni Pat Dilema.

Humabol ang Malambing na hinahataw ng latigo ni jockey Guce at sa huling 25 metro ng labanan ay saka lamang inabot ang bumabanderang katunggali para manalo ng kalahating dipa sa meta.

Ang huling race seven ay dinomina ng pinakadehadong kabayo  na kuminang sa gabi na Orthodox nang daigin ang Custer sa labanan ng mga di napaborang kabayo. Isang 3YO Philracom Handicap (2) race ang sinalihan ng Orthodox na hinawakan ni jockey Karvin Malapira sa 1,500m karera.

Banderang tapos ang inangkin na panalo ng kaba-yong may lahing Ecstatic at Sun Pack  na sariwa rin sa pagkalapag sa ikatlong puwesto noong Nobyembre 3 na dinomina ng kabayong Art Attack at Custer.

Ang Art Attack ay tumakbo rin at siyang napaboran na manalo pero hindi tumimbang sa pagkakataong ito  habang ang Custer  ay sinakyan pa rin ni CM Pilapil tungo sa ikalawang dikit na pangalawang puwestong pagtatapos.

Naghatid ang win ng Malambing  ng P46.50 sa win habang saradong P47.00 ang iginawad sa win ng Orthodox.

Ang extra-double ng dalawang dehado na 3-7 ay may P76.50 dibidendo pero ang natuwa ay ang dehadistang napanalunan ang P2,868,252.20 dibidendo sa Winner-Take-All na binuo ng kumbinasyong 9-5-3-5-3-4-7.

 

Show comments