MANILA, Philippines - Susubukang muli ng two-time defending champion Talk ‘N Text na ga-wing pormal ang pagpasok sa quarterfinals ng 2012-13 PBA Philippine Cup sa pakikipaglaban sa kanilang sister team na Meralco ngayon sa Yñares Center sa Antipolo City.
Matapos mabigo sa unang pagtatangka nang matalo sa Barangay Ginebra San Miguel, 104-101 noong Linggo sa MOA Arena, makakaharap ng Tropang Texters ang Bolts sa alas-7:30 ng gabi kung saan ambisyon din ng TNT na bigyan si head coach Norman Black ng kanyang ika-500 panalo sa PBA.
Sa alas-5:15 ng hapon naman ang salpukan ng San Mig Coffee at Barako Bull na nasa ilalim na ngayon ng bagong coach na si Bong Ramos pagkatapos magdesisyon ang management na palitan si June Baculi.
Bagama’t natalo ng dalawa sa hu-ling tatlong laro, bumabandera pa rin ang Talk ‘N Text sa 7-2 karta samantalang nasa solong pang-apat na puwesto naman ang 5-3 record ng Meralco na galing sa 95-81 panalo sa Petron Blaze noong Linggo din sa MOA Arena.
Hawak ang pumapangalawang pinakamagandang 6-2 karta, umaasa naman ang Mixers na tatabla sa liderato sa standings kapag nanalo sa Energy Cola at matalo ang TNT sa Bolts.
Nasa bandang ilalim naman ang Barako Bull sa 3-6 karta nito matapos matalo sa Air21 noong Biyernes, 86-85 na ikaapat sa kanilang huling limang laro.
Isang panalo na lamang ang kailangan para makapasok sa playoffs ang Tropang Texters sa pang-siyam na sunod na conference at maisama ang kanilang coach sa 500-wins club ng mga PBA coaches na kinabibilangan lamang nina Baby Dalupan, Tim Cone at Yeng Guiao ngunit hindi ito ang nasa isip ni Black kundi ang kung papaano talunin ang No. 1 team sa opensa ngayong conference.
“It’s important that we play better defense against Meralco since they lead the league in offense,” pahayag ni Black tungkol sa Bolts at sa conference-best 95.3 points per game nito. “The main keys are better defense versus their two man game and we must control our defensive boards,” dagdag pa ni Black.