MANILA, Philippines - Pinakawalan ng Air21 ang kalamangang umabot sa 18 puntos pero isinalba sila ni Mark Isip sa endgame para manalo sa Alaska, 104-103 kagabi sa 2012-13 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum na nagbigay sa prangkisa ng unang win streak nito mula nang pumasok sa liga noong nakaraang season bilang Shopinas.com.
Isang jumper ni Isip sa may kanang bahagi ng free throw line may 6.1 seconds na lamang ang natitira sa laro ang lumabas na game-winner at nagbigay sa Express ng kanilang pangatlong sunod na panalo at 4-5 na karta para makatabla ang Barangay Ginebra sa sixth place.
May sapat na oras pa ang Alaska para baliktarin ang resulta ng laro pero nag-airball ang three-point attempt ni JVee Casio na nakuha ni rookie Calvin Abueva pero hindi rin pumasok ang kanyang turn around jumper sa pagtunog ng buzzer.
“I’ve got to give credit to my assistant coaches. They scouted Alaska well. But you’ve got to give to them (players) too, they were down by double digits but they refused to quit and were very aggressive until the end,” pahayag ni Air21 head coach Franz Pumaren.
Nagtapos na may 12 puntos si Isip, isa sa anim na players na umiskor ng double figures para sa Air21 na pinag-ibayo ang pag-asa nitong makapasok sa kauna-unahang playoff sa maikli pa lamang na kasaysayan nito sa liga.