Painters wagi Iniwanan ang Aces
MANILA, Philippines - Sinukat lamang ng Rain or Shine sa unang tatlong quarters ang Alaska bago humataw sa fourth period tungo sa 101-93 na panalo kagabi na tumapos sa win streak ng Aces sa 2012-13 PBA Philippine Cup eliminations sa Smart Araneta Coliseum.
Ang ikalawang sunod na panalo ng Elasto Painters at pang-lima sa kanilang huling anim na laro ay nagbigay sa kanila ng solong ikalawang puwesto sa team standings sa kanilang kabuuang 6-2 panalo-talo sa likod lamang ng 6-1 ng two-time defending champion Talk ‘N Text na kinakalaban pa ang Petron Blaze habang sinusulat ang balitang ito.
Naputol naman ang five-game win streak ng Alaska at bumaba sa No. 4 sa team standings sa 5-3 na record nito pagkatapos ng laro kung saan lumamang sila ng umabot sa 10 puntos sa second quarter at abante pa sa 77-71 papasok ng huling yugto kung saan na-outscore ang Aces ng Rain or Shine, 30-16.
“Streaks have to end somewhere. Law of averages lang siguro. We were on a three-game win streak then we lost to Talk ‘N Text. It also happened to Meralco last time and now sa Alaska. Minsan due talaga matalo ang isang team. But we still had to grind it out in the fourth quarter,” pahayag ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao.
Iniskor ni Jeff Chan ang 12 sa kanyang game-high 22 puntos sa fourth quarter para pangunahan ang come-from-behind win ng Elasto Painters na nakakuha rin ng 20 puntos mula kay JR Quiñahan, 13 kay Ryan Araña at 12 mula kay Larry Rodriguez.
“Jeff Chan was getting his touches in our last few games. I just told the boys wag na nilang intindihin kung papasok ang tira niya o hindi, ang importante mabigyan siya ng bola,” paliwanag ni Guiao tungkol kay Chan na leading scorer ng conference bago sila natalo sa Tropang Texters, 80-77 sa Victorias City kung saan nalimitahan ito sa 4 points.
- Latest