CHINESE-TAIPEI-- Pumarada ang Team Philippines sa hanay ng higit sa 2,000 atleta mula sa 24 bansa para sa opening ceremony ng 17th Asia Masters Athletics Championships dito sa Taipei Gymnasium.
Nagtuwang sina dating Asia’s long jump queen Elma Muros-Posadas at javelin thrower Erlinda Lavandia bilang flag bearers para sa 24-athlete Team Philippines kasama si Manny Ibay, ang presidente ng National Masters and Seniors Athletic Association of the Philippines (NMSAAP).
Tanging sina Muros-Posadas, Lavandia at Emerson Obiena ang nakalahok na sa ilang World Masters Athletics Championships.
Ang Asia Masters ay nagsisilbing qualifying tournament para sa World Masters Athletics Championships sa Brazil sa Hunyo ng 2013.
“The choice of Muros-Posadas and Lavandia-- whose names continue to be talked about by their fellow veteran athletes in this tournament-- as flag bearers for Team Philippines fits our goal of winning as many medals as we can in this tournament for athletes 35-years old and older,” ani Ibay.
Halos 30 gintong medalya ang nakamit na nina Muros-Posadas at Lavandia sa kanilang paglahok sa mga nagdaang Asia Masters.
Hangad ng mga Pinoy athletes na makapag-uwi ng 10 gold medals.
Tangan ni Obiena ang record sa men’s 40-45 years old pole vault, habang hawak ni Lavandia ang marka sa women’s 45-50 at 45-50 years old javelin throw.
Ang iba pang inaasahang mananalo ng ginto sa kani-kanilang events ay sina dating Southeast Asian Games medallists Lerma Bulaitan-Gabito, Antonio Chee, Elenita Punelas, Danny Jarin at John Lozada.
Sasabak si Muros-Posadas sa long jump, 100 at 200-meter run, 80m hurdle at sa 4x100m relay events.