MANILA, Philippines - Kinailangan ng malakas na pagtatapos ng kabayong Penrith upang hindi masilat ng nakalabang Game Changer sa 3YO Handicap Race 9 kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite.
Unang karera ito sa buwan ng Nobyembre at muntik pang nasilat ang outstanding favorite sa 1,400-metrong distan-siyang tagisan nang bigyan ng matinding hamon ng Game Changer na diniskartehan ni jockey EL Blancaflor.
Nauna rito ay nakasalo pa ang Posse Left ni AR Villegas sa 3-horse race na nagkasukatan matapos lamang buksan ang aparato.
Hanggang far turn ay magkakasabay halos ang takbo ng tatlong kabayo bago bumitiw ang Posse Left sa huling kurbada.
Sa rekta ay angat pa ang Game Changer kaya’t todo hataw at tulak ang ginawa ni jockey Jeff Zarate sa Penrith.
Sa kabutihang palad ay may inilabas pa ang Penrith para manalo ng isang dipa sa meta.
Naorasan ang Penrith ng 1:28 sa distansya gamit ang kuwartos na 13, 24’, 24’ at 26’.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng kabayong pag-aari ng dating Philracom commissioner Felizardo 'Jun' Sevilla matapos mangibabaw ang Triple Crown Championship veteran noong Oktubre 20 sa isang 1,500m distansyang tagisan.
Bilang outstanding favorite, ang win ng Penrith ay balik-taya na P5.00, habang P17.50 pa ang ibinigay sa 5-2 forecast.
Ang Heart Summer ay tumapos sa ikatlo kahit nabugaw sa alisan habang ang Posse Left at Isa Pa Isa Pa ang kumumpleto sa datingan ng limang kabayong naglaban.
Inangkin naman ng kabayong Sweet Mind ang taguri bilang unang kabayo na nanalo sa buwang kasalukuyan matapos pangunahan ang 10-kabayo na 3YO Handicap Race (03) na race one at pinaglabanan sa 1,400m layo.
Mahigit isang dipa ang inilayo ng Sweet Mind sa Hunter at nanalo gamit ang bilis na 1:31 mula sa kuwartos na 12’, 24, 26, at 28.