MANILA, Philippines - Yumukod si Malvinne Ann Alcala kay No. 9 seed Akane Yamaguchi ng Japan, 14-21, 15-21, at nabigong makapasok sa quarterfinal round ng women’s singles sa 2012 World Juniors Badminton Championships sa Chiba, Japan.
Nauna munang tinalo ni Alcala si fifth seed Line Kjaersfeldt via straight sets, 21-19, 21-16, bago sinibak ni Yamaguchi.
Isang walkover win ang nakamit ng 16-anyos na si Alcala kay Thilini Hendahewa ng Sri Lanka sa first round kasunod ang kanyang 17-21, 21-11, 21-16 pananaig laban kay Maetenee Phattanaphitoon ng Thailand sa second round.
Matapos ipagpag si Kjaersfeldt, nanghina naman si Alcala, nagkampeon sa 19-under division ng nakaraang Swiss International Junior Championships, sa kanilang laro ni Yamaguchi.
Nauna nang napatalsik sa kontensyon sina Joella De Vera at Mark Alcala, naghari sa 17-under class ng Swiss Juniors.
Natalo si De Vera kay Flore Vandenhoucke, 16-21, 7-21, habang yumukod naman si Mark Alcala kay Pratul Joshi, 16-21, 8-21.
Bago ito, ginitla muna ni De Vera si Dilrabo Ahmedova ng Uzbekistan, 21-7, 21-10, at iginupo ni Mark Alcala si Sinan Zorlu ng Turkey, 13-21, 21-13, 21-19.
Sa iba pang resulta, tumiklop si John Kenneth Monterubio kay Fabian Roth, 16-21, 19-21, natalo si Ros Pedrosa kay Jonathan Dolan, 8-21, 12-21, nabigla si Marina Caculitan kay Sun Yu, 2-21, 5-21, at nakatikim ang mixed doubles team nina Gerald Sibayan at Kristel Salatan ng 21-19, 17-21, 18-21 pagkatalo kina Andrew D’Souza at Christin Tsai.