MANILA, Philippines - Ipinagpaliban ng Philippine Amateur Baseball Association ang paghahayag ng mga local players na isasama sa koponan na sasabak sa World Baseball Classic qualifiers.
Sinabi ni PABA secretary general Thomas Navasero na ilan sa mga miyembro ng National team ay kasalukuyan pang nagbabakasyon.
Kabuuang 14 local players mula sa National squad na nag-uwi ng gold medal sa 2011 Southeast Asian Games ang ibibilang sa tropang ilalahok sa World Baseball Classic qualifiers.
Nakatakda ang torneo sa Nobyembre 15-18 sa New Taipei City.
Ang koponan ay sasamahan din ng 14 Fil-Foreign players na galing sa US Major at Minor Leagues.
Ang sinumang player na may dugong Pinoy, mayroon man o wala siyang hawak na Philippine passport ay maaaring mapasama sa koponang kakampanya sa nasabing World Baseball Classic.
Ang Major League Baseball ang siyang gagastos para sa kanilang mga makukuhang players sa Philippine team.
Kabilang sa mga tutulong sa koponan ay sina two-time World Series champion Tim Lincecum ng San Francisco Giants, dating San Francisco Giant Gino Espineli, Fil-Japanese pitcher Ryuya Ogawa at Leighton Michael Pangilinan ng Chicago White Sox minor league system.
Hinihintay pa kung makakapaglaro si Lincecum para sa bansa, habang nauna nang umatras si New York Yankees reliever Clay Rapada dahil sa komplikasyon sa iskedyul.