MANILA, Philippines - Malabong makalaro sa pinalakas na National baseball team ang mahusay na San Francisco Giants Fil-American pitcher na si Tim Lincecum.
Sa pagdalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon ni PABA international affairs director Hector Thomas Navasero, nagbigay na ang Giants ng go-signal para makausap si Lincecum ngunit malaki ang posibilidad na hindi siya makapagsuot ng Pambansang uniporme dahil sa mga kinakaharap na problema.
May balitang balak i-trade si Lincecum na umalingawngaw ang pangalan nang tulungan niya ang Giants na manalo sa 2010 Major League Baseball.
Kampeon uli ang Giants sa taong ito pero reliever na lamang si Lincecum sa mound.
“We were told that he has yet to make a personal decision regarding our offer. It’s most likely that he will not suit but may play if we reach the World Baseball Classic tournament proper,” wika ni Navasero na sinamahan ng kanyang amang si PABA president Hector Navasero.
Wala man ang mahusay na pitcher, tiwala naman ang batang Navasero na palaban ang 28-man National team sa paglahok sa qualifying round sa New Taipei City mula Nobyembre 14 hanggang 18.
Sa bilang na ito ay 14 ang Fil-Foreign players at siyam ang Fil-Ams na pangungunahan ng isa pang dating Giants pitcher na si Gelo Espineli.
Hindi ibinigay ni Navasero ang kumpletong pangalan ng mga hugot pero tiniyak niyang mahuhusay ang mga ito dahil naglaro sila sa Major League Baseball at Minor League.
Magpapalakas din sa koponan ang 21-anyos na si Fil-Japanese pitcher Ryuya Ogawa.