Ancajas walang pahi-pahinga ngayong Semana Santa

MANILA, Philippines — Walang puwang ang pahinga kay International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas dahil nais nitong masigurong nasa tamang kundisyon ang kanyang pangangatawan bago sumabak laban kay Ryuichi Funai sa Mayo 4 sa Stockton, California.

Tuluy-tuloy ang ensayo ni Ancajas sa Holy Week maliban lamang sa Good Friday na nais nitong ilaan upang makapag nilay-nilay.

Maliban dito, walang tigil si Ancajas sa pagsasanay sa Philippine Marine Corps Base Gregorio Lim sa Ternate, Cavite kung saan sumasailalim ito sa pukpukang training camp kasama ang kaniyang coaching staff.

Nasa huling bahagi na ng paghahanda si Ancajas bago tumulak sa Abril 23 patungong San Francisco, California.

“Maliban sa Biyernes, wala talaga kaming Holy Week break. Kailangan kong mag-focus sa training, hindi ako dapat maging kampante dahil matinding laban ang haharapin ko,” wika ni Ancajas na may 30-1-2 rekord tampok ang 20 knockouts.

Tinututukan din ni Team Ancajas ang timbang nito para matiyak na lulusot ito sa weigh-in.

Kasalukuyan itong may 125 pounds na timbang ngunit optimistiko si Ancajas na maaabot nito ang 115 pounds na kailangan sa laban.

“Naka-focus din kami sa weight ko, yun ang binabantayan namin. So far, maganda naman ang weight. Sa Friday, magpapahinga lang kami, so yun ang mga gagawin namin bago pumunta sa US,” ani Ancajas.

Sumasailalim na lamang ito sa apat hanggang anim na sparring sessions upang makaiwas sa injury.

Ang mga sparring mates ni Ancajas ay sina Alan Alberca, Marvin Esquerdo, George Nuez, Angelo Beltran, John Mark Alimane, Miller Alapormina at Daniel Lim.

Show comments