Indiana nakabawi sa San Antonio

SAN ANTONIO - Umiskor si  Paul George ng 28 points at iginupo ng Indiana Pacers ang San Antonio, 111-100 nitong Sabado ng gabi para wakasan ang 11-sunod na pagkatalo sa Spurs.

Nagtala si David West ng 20 points at umiskor si Lance Stephenson ng 15 para sa Pacers na lamang sa rebounding, 41-34. Sina Roy Hibbert at Luis Scola ay may tig-12 points at 10 boards.

Umiskor sina Kawhi Leonard ng 18 points para sa San Antonio, na natalo ng tatlo sa 5-laro.

Nagdagdag si Manu Ginobili ng 16 points, si Tony Parker ay may 13 at tumapos si Tim Duncan ng 10.

Ang huling panalo ng Pacers kontra sa Spurs ay noong April 2007 sa Indianapolis. Ang huli nilang panalo sa San Antonio ay 12 taon na ang nakakaraan.

Ang  Pacers ay may pitong players na may double figures at may 54 percent mula sa field.

Sa Minneapolis, nagtala si LeBron James ng 21 points, 8-assists at 14-boards para sa kanyang unang  double-digit rebounding game sa season, para tulu-ngan ang Miami na makabangon sa dalawang sunod na talo matapos igupo ang Minnesota, 103-82.

Sa Portland, pumukol si Monta Ellis ng 21-foot jumper kasabay ng pagtunog ng final buzzer nang igupo ng Dallas ang Portland, 108-106.

 

Show comments