MANILA, Philippines - Isa pang mananaya ang pinalad na kumabig ng milyones noong Abril 9 na nangyari sa bakuran ng Metro Turf Club Inc.
Tinamaan ng solong mananaya ang ikalawang Winner-Take-All na pinaglabanan na nagbigay ng dibidendong P1,078,986.80 sa kumbinasyong 2-2-2-2-3-7-7.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nagbigay ng milyong piso ang bagong karerahan na pag-aari ng Metro Manila Turf Club Inc.
Noong Abril 6 ay nakuha ng dalawang mapalad na mananaya ang mga dibidendong umabot ng P1,784,579.20 at P1,105,613.20 sa dalawang WTA.
Ang mga dehadong lumabas sa kumbinasyon ay ang Security Classic, Neversaygoodbye at Security Leader.
Nagbigay ang panalo ng Security Classic sa race 5 ng dibidendong P32.00 at ang Neversaygoodbye ay mayroong P48.50 sa dominasyon sa race 6 habang ang win ng Security Leader sa race 9 ay may P33.50 dibidendo.
Ipinakita ng Security Classic ang ibayong porma nang magbanderang-tapos ito sa 1,400-m race sa hanay ng tatlong taong gulang na mga kabayo.
Nakipaglutsahan muna ang Neversaygoodbye sa Absolute bago unti-unting nilayuan pagpasok sa backstretch.
Hindi na nakabawi pa ang kalaban para sa halos isang dipang panalo sa 1,400-m karera.
Mahusay naman na ipinuwesto ni jockey Dominador Borbe ang Security Leader sa likod ng umalagwang Beyond Perfection.
Kinuha lamang ng Security Leader ang liderato sa kalagitnaan ng 1,400-m karera bago tuluyang pinakain ng alikabok ang mga katunggali tungo sa tatlong dipang panalo sa Ingitero.
Ang tumamang karerista ang ika-10 na sinuwerte sa horse racing sa taong ito.