2nd golds kay Yulo; Salvino sumira ng record
Team Philippines humakot ng 6 ginto
MANILA, Philippines — Binanderahan ni Caloy Yulo ang three-gold medal haul ng men’s gymnastics team habang nagposte si swimmer Teia Salvino ng bagong record sa Day Four ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon.
Kumolekta ang two-time world champion na si Yulo ng 14.850 points sa parallel bars event para angkinin ang ginto matapos magkasya sa pilak sa rings (14.000 points).
Noong Lunes ay ibinulsa ng 23-anyos na Batang Maynila ang gold sa individual all-around at silver sa team all-around event.
Ang dalawa pang ginto ay nagmula kina Juancho Miguel Besana na naghari sa vault (14.425 points) at John Ivan Cruz sa floor exercise (13.850 points).
Umakyat sa fourth place ang Pinas sa overall medal tally sa nahakot na 25 golds, 38 silvers at 40 bronzes.
Sa swimming, lumangoy si Salvino ng tiyempong 1:01.64 para sa women’s 100m backstroke gold at ilista ang bagong Philippine at SEAG records.
Nagposte rin ang Pinay tanker ng bagong national at SEAG marks na 28.99 segundo sa 50m backstroke para sa silver kamakalawa.
Sa athletics, nilundag ni Janry Ubas ang long jump gold nang magtala ng 7.85 meters habang nagdagdag ng silver at bronze sina Umajesty Williams (46.52) at Frederick Ramirez (46.63), ayon sa pagkakasunod, sa men’s 400m.
Nagdagdag ng ginto sina Christy Sañosa, Princess Catindig, Virvienica Bejosano at Fatima Amir sa women’s soft tennis team event.
Sinimulan ng Gilas Pilipinas ang misyong mabawi ang SEAG gold nang bugbugin ang Malaysia, 94-49, kung saan tumipa si naturalized player Justin Brownlee ng 11 points sa limitadong playing time.
Lalabanan ng Nationals bukas ang Cambodian squad na magpaparada ng tatlong naturalized players.
Sa chess, isinulong ni WIM Shania Mae Mendoza ang silver sa ouk chaktrang women’s singles 60-minute event kasunod si bronze medalist Venice Narciso.
Kumolekta rin ng tanso sina Zyra Bon (women’s 51kg) at Felex Cantores (men’s 67kg) sa kun khmer, sina Aime Ramos (women’s 50kg) at Janah Lavador (women’s aspect broadsword single form), sa vovinam.
Sa windsurfing, sumikwat ng silver si Andrei Tugade sa men’s junior IQ Foil event at nag-ambag ng tig-isang bronze sina Dhenver Castillo (men’s RS:One) at Harold Madrigal (men’s IQ Foil).
- Latest