Zombie family (376)

ANG unang mala­king basket na napuno na ay binuhat ni Nikolai, sabay lipad.

“Hayun,” ang nakita niya ay isang gibaing kubo.

Dito siya nakasilip kahapon ng mga taong payat, kulang sa pagkain.

Maingat niyang inilapag ang isang mala­king basket ng mga prutas. At agad lumipad palayo.

Nagtago siya sa isang mayabong na punong-kahoy at pinapanood ang iniwang mga prutas.

Na-frustrate siya.

Mukhang uulan.

“Mababasa na’y hindi pa rin nila nakikita. Napalayo kasi yata ang paglagay ko, sana sa mas malapit sa kubo.”

Pero naalala niya kung bakit nagkaganoon.

Naalala noong pumasok siya sa loob ng isang middleclass na bahay sa Maynila para makapagbukas at makapanood ng TV.

Para makatiyempo ng news at magkaroon siya ng balita tungkol kay Leilani.

Nalaman nga niya ang latest news sa killer na babaing flying zombie. Naka-detain na ito sa isang napaka-solid na kulungan, safe pa ang mga tao, natitiyak pa ang kasiguruhan mula sa danger ni Leilani.

Pero dahil nga tutok siya sa TV, hindi niya kaagad namalayan na may lumabas sa bedroom ng tahanan na iyon.

Isang ginang, ang madre de familia.

Napasigaw agad ito nang makitang may tao sa salas, nanonood ng TV. At hindi lang basta tao.

Kundi isang flying zombie.

Nataranta din si Nikolai.

“Please, huwag kang matakot. Hindi ako masama na zombie. Hindi kita sasaktan.”

Patuloy sa pagsigaw ang nagpa-panic na ginang.

“Okay, okay. Aalis na ako. Aalis na ako, Ma’m!”

Ang bilis nakalipad ni Nikolai, sa bukas na bintana nagdaan. Para siyang isang raket na nag-zoom up, biglang lumiit sa mga mata niya ang mga tanawin sa ibaba.

Ibig lang sabihin, napalayo siya nang husto sa lupa, napasobra ang paglipad niya dahil sa pagkataranta.

Napailing si Nikolai nang maalala iyon. “Ang hirap din ng kalagayang ito.” -  ITUTULOY

Show comments