Nauna nang kumalat sa bansang New Zealand ang balitang meron daw penguin doon na kasinglaki ng tao, at sa Canada naman ay may namataang kamag-anak diumano ng T-Rex, at ngayon naman ay ang hayop na kamag-anak pala ng armadillo na kasinglaki ng kotse.
Anu-ano pa kaya ang susunod nating madidiskubre sa paglipas ng panahon?
Natagpuan ang mga labi ng nasabing hayop ng isang farmer sa isang tuyot na ilog sa Buenos Aires. Tinatayang nasa 20,000 years na ang tanda nito.
Sa unang tingin, aakalain mong isa lamang itong bato o ‘di naman kaya ay labi ng isang baka, pero nang lapitan ito ni Juan de Dios Sota habang nagpapakain ng damo sa kanyang mga alagang baka, napansin na niya ang kakaiba nitong hugis.
Kasunod ng balitang ito, agad na pumunta ang archaeologist na si Pablo Messineo at ang kanyang team para suriin at alamin kung totoo nga ito, at hindi sila nabigo. Hindi lamang basta isa, kung hindi may apat na iba pa silang nakita.
“We went there expecting to find two glyptodonts when the excavation started and then two more were found!It is the first time there have been four animals like this in the same site. Most of them were facing the same direction like they were walking towards something,” ani Messineo.
Ang glyptodonts ay extinct nang kamag-anak ng mga armadillo, nabuhay sila noon sa South America 20 million years na ang nakararaan.
Ayon pa kay Messineo, dalawang adult at dalawang mga bata pa ang nahukay nilang mga labi. Ang mga uri raw nila ay lumalaki ng kasinglaki ng Volkswagen Beetle na kotse kapag nasa full size na.
May bigat din silang umaabot sa 1,000 kg (2,205 lbs).
Mas paiigtingin pa raw nila ang kanilang research upang malaman ang edad, kasarian at sanhi ng ikinamatay ng mga ito.
Samantala, bukod sa Argentina, meron ding natagpuang mga labi ng glyptodonts sa Brazil at Uruguay.
Pinaniniwalaang sila ay mababagal maglakad, mabalahibo at puro halaman lang ang kinakain. Na-extinct sila diumano 10,000 years ago.