TUMANGGI na naman si Leilani. “Hindi na. Makikiupo lang ako rito habang iniisip kung paano ako makauwi sa bahay, wala kasi akong pamasahe, e.”
“Pamasahe? Naku, hindi problema. Bibigyan ko na lang kayo.”
“Naku, sobrang nakakahiya.”
“Tulong lang ‘yon. Kasi paano nga ba kayo uuwi kung walang tutulong sa inyo, Miss?”
Ngumiti na lang si Leilani.
Dumukot naman ng pera sa kanyang wallet ang waiter ng coffee shop. “Heto ang five hundred pesos. Huwag n’yo nang tanggihan. Kailangan n’yo talaga ‘yan.”
Kinuha na nga ni Leilani ang pera.
Dahil alam niya, kailangan niya sa ngayon ang kahit ganito kaliit na pera.
“Salamat, ha? I need this talaga.”
“Sana makauwi kayo nang safe.”
“Oo, don’t worry. Again, thank you so much. Paano, uuwi na ako, ha? Salamat din sa pagpaupo sa akin dito.”
Lumabas na sa coffee shop si Leilani pero wala naman talaga siyang mauuwian.
Iniisip na niya ang susunod na gagawin. Kailangan may plano siya.
Ang priority niya ay magkaroon ng maraming pera. Sa sobrang ganda niyang ito, kailangan maganda rin ang kanyang kabuhayan.
Hindi pa niya alam kung kailan na naman siya papangit, mabubulok ang katawan, magkabutas-butas ang mukha, magkakaroon ng mga pakpak na mga malalaki at kay-iitim.
Kailangan masulit niya habang maganda siya.
Napapatingin na naman sa kanya ang lahat, halatang dahil sobra ang kanyang ganda.
May mga lalaking kahit may kasamang asawa o nobya, walang pakialam na kaylagkit makatitig.
May mga nabatukan ng misis.
May mga kinurot ng girlfriend.
May lalaking nasampal ng ka-date.
Dahil sa kanya. Sobra nga kasi ang ganda niya.
Biglang naghanap siya ng internet coffee shop. Nakakita naman at agad nag-research sa Google.
Gusto niyang malaman ang mga sobrang yaman na negosyante sa Pilipinas. Mga lalaking kung puwede lang ay walang pamilya. ITUTULOY