Paano kung nakakita ka na pala ng isang multo pero hindi mo lang alam? Hindi lang basta nakita, kung hindi nakakuwentuhan pa. ‘Yan ang nangyari kay Second Officer Leonard Bishop na may ari ng barkong SS Winterhaven.
Taong 1977 daw nang magbigay siya ng tour sa loob ng kanyang barko sa isang lalaki na inakala niyang pasahero. British daw ang nationality nito, at ayon sa kanya, sobrang interesado raw itong malaman ang bawat detalye ng kanyang vessel.
Bagama’t nagtataka, ipinagkibit-balikat na lamang ito ni Bishop. Mabait naman daw kausap ang lalaki, pero parang may kakaiba sa kanya.
Nang umalis na ito at magpaalam, hindi na niya ito nakita kahit kailan.
Pagkalipas ng ilang taon, nagulat si Bishop nang makita ang isang pamilyar na mukha sa isang larawan. Tinitigan niya itong mabuti at doon niya naalala na ito ang lalaking nakakuwentuhan niya noon.
“I know him, I gave him a tour of my boat!” sambit ni Bishop sa kasamang kaibigan. Tumawa naman ito at sinabing “That man was the captain of the Titanic!”
Ang sinasabing kapitan ng Titanic ay si Captain Edward John Smith, kasama siya sa mga biktima nang lumubog ang nasabing barko noong April 15, 1912.
Hindi naman matukoy kung ano ba talaga ang ikinamatay niya dahil may dalawang bersyon ito. Ang isa ay nakita raw siyang nasa loob lang ng control room at hinihintay na lang ang tuluyang paglubog ng Titanic, habang ang isang kuwento naman ay nagbaril daw siya sa ulo bago pa man ito lumubog at malunod.