Zombie Family (363)

NAWALA na lang bigla ang pag-aalinla­ngan.

Hindi pala niya puwedeng isipin na pinasok na siya ng demonyo. Pati kanyang kaluluwa.

Hindi iyon mangyayari.

Maaring ang tinig ng itim na kapangyarihan ay nasa bawat himaymay ng kanyang katawan pero ang ka­luluwa niya ay hindi maaring pasukin nito.

Hindi maaring ­angkinin.

Ang puso niya lalo na ay hindi kailanman makukuha ng kahit sinong demonyo. Dahil kanina lang, nabuhay ang isang makalangit na kaligayahan sa puso niya.

Sa buo niyang pagkatao.

Dahil nakita niya ang mga masasayang bata na nakakain sa kanyang mga regalo. Mga regalong libre lang niyang napitas.

At come to think of it, bakit nga ba siya matatakot? Ginawa na ng maitim na kapangyarihan ang lahat para lamang panghinaan siya ng loob.

Tulad ng pagtawa mula sa lahat ng sulok ng kanyang pagkatao. Pero kailanman, hindi siya puwedeng sakupin ng kahit ano o sino.

Walang mangangahas. Hindi siya puwedeng hilahin sa madilim na bahagi ng mundo. Hanggang pananakot lamang, hanggang panlilinlang.

Ang totoo, nabigo sa kanya ang may maitim na kapangyarihan. Gusto siyang gawing lalaking flying zombie pero hindi naman buo. Oo nga may mga pakpak siya, may lawit na lawit na dila, may mga mata at paligid na nakakapanayo ng mga balahibo ang kaitiman, pero ang nasa kaloob-looban niya, ang mga ito ang hindi napakialaman ng demonyo.

Intact pa rin siya, si Nikolai. Pumangit man pero ang kanyang inside part ang pinakamalinis, ang hindi nabahiran.

Ang kanyang puso ay marunong pa ring maawa.

Marunong na maru­nong pa ring magmahal.

Ang kanyang isip ay hindi na-pollute. Hindi naturuan ng mga masasamang kaisipan. Nasa matuwid pa rin.

Sa sobrang saya ni Nikolai, napatalon siya.

Oo nga at hindi niya malalapitan ang mga kumakain na bata dahil matatakot ang mga ito, magtatakbuhan at siguradong tatawag ng mga tanod.

Pero okay pa rin. Ang mahalaga may mga batang sumaya dahil sa kanyang efforts.

Itutuloy

Show comments