NAWALA ang activity sa tubig.
Maya-maya, pansin na ni Nikolai ang mga nagbabalikang isda sa paligid, mas dumami pa nga, parang naglalaro ang mga ito sa loob ng antigong barko.
“Bakit ka nawala?” Matigas na sigaw ni Nikolai, nagtatanong.
Katahimikan ang sumagot sa kanya.
Munting ingay mula sa mga maliliit na isda ng antigong barko.
Para lang naglalaro ang mga ito, masaya.
May pakiramdam si Nikolai na umalis na ang maygawa ng itsura niya ngayon.
Nanggigil siya.
“Kapag nagkaharap na talaga kami, kahit ano pa siya, lalaban ako!”
NAGTIYAGA siyang maghintay sa antigong barko.
Ang importante ngayon sa kanya ay ma-contain ang panganib mula kay Leilani.
UMALIS siya uli.
Naghanap ng bahay. Iyung may tv o radio man lang.
Sa ganitong oras ng gabi, puwede siyang makapasok at makikipanood ng tv o makikinig sa radio, mag-iingat nga lang na hindi siya mahuhuli ng kahit sino pang may-ari ng bahay.
Nabuksan niya ang bintana.
Maingat na naglakad at natuwa nang makita ang TV.
“Jesus … paano ko nga pala mabubuksan ang tv na walang ingay na mararamdaman?”
Dahil taong-tao pa rin ang palagay sa sarili, umupo siya kaagad sa L-shape na sofa bed kahit nahihirapan dahil sa mga pakpak.
At kinuha ang remote control, naghanap ng news channel. Nakatiyempo. Kabubukas lang ng newscast.
Hininaan nang husto ang volume.
Headline pa rin ang tungkol sa pagkahuli ng babaing flying zombie.
Ipinakita ang lugar kung saan ito ngayon naka-detain.
“I know that building. Mabuti naman pala at nahuli na si Leilani. Hindi na siya panganib sa mga tao.”
Naisip ni Nikolai na pupunta na lang sa isang hindi mataong bundok. Habang hindi niya alam kung ano ang makabubuti para sa kanya. Pero biglang may nagbukas ng ilaw sa salas. Itutuloy