Zombie Family (356)
KUMALAT na ang balita tungkol sa heroism ng lalaking zombie na si Nikolai.
May balita lahat sa diyaryo, radio stations, tv stations.
Hindi lamang sa bansa kundi pati sa iba. Dahil ang mga zombies sa Pilipinas ay isang pangyayaring kinatatakutan at marami pa rin ang hindi makakapaniwala.
Pero marami nang pictures. Videos din.
Hindi puwedeng sabihing kasinungalingan o fake news.
May mga pruweba na.
At least, kahit papaano, nakabawas sa hirap ng loob ni Laurice ang lumabas na balita.
“Herman, totoo nga sigurong si Nikolai ang lalaking flying zombie dahil iyon ang nararamdaman ko. Pero natutuwa ako dahil hindi siya pumatay. Kundi nagligtas pa nga siya ng mga buhay.”
Napatango si Herman.
Naniniwala rin siya sa sinabi ng mga balita.
Na hindi kasamaan ang ginawa ng lalaking flying zombie kundi kabutihan.
Pero ang pangamba ay hindi mawala-wala.
“Laurice, maaring totoo ang lahat na sinabi mo. But that is only for the moment. What is present. Pero bukas or in the near future, nakakasiguro pa rin ba tayo na laging kabutihan ang ibibigay sa atin ng lalaking flying zombie? Si Nikolai man siya o hindi?”
Hindi makasagot si Laurice.
Kung magpapakatotoo siya, tama naman ang pangamba ni Herman.
Mula nang dumating ang mga kababalaghan na ito, ang mga zombies, flying zombies, ang mga pagpatay at pagkain ng mga laman, buto at dugo ng tao … paano ba makakasiguro na walang mangyayaring masama sa kasalukuyang mabuti.
KAUSAP na ngayon ni Herman ang general at sinabi ang lahat.
Nanlumo ang heneral dahil kilala rin naman nito si Nikolai. “Mabuting tao si Nikolai. Masakit isiping nangyari sa kanya ito. Tama ka. Hindi pa natin sigurado na hindi siya gagawa ng kasamaan. Kaya dapat siyang hanapin at kung hindi man mahuhuli, patayin na lang siya kung kinakailangan.”
NAGBALIK si Nikolai sa antigong barko sa ilalim ng dagat. Nagbabaka-sakaling nakabalik na si Leilani.
“Wala siya rito …” Tahimik na tahimik ang buong barko. Itutuloy
- Latest