NAG-AAWAY ang mag-asawa sa kanyang harapan. Gusto mang magsalita ni Nikolai para sabihing walang dapat pag-awayan, hindi naman kayang gawin dahil sa napakahabang dila.
Nandirito siya para sa pamilya.
Hindi siya nananakit. Nakakatakot lang ang kanyang itsura pero hindi nawawala ang kabutihan ng isang tao.
At kahit masakit sa kanya na si Herman ngayon ang nakatayo sa tabi ni Laurice at mga bata, masaya pa rin siya. Dahil ganito na ang kanyang kalagayan.
Makakaasa pa ba siya na magiging sila pa ni Laurice.
Magiging masaya pa sila?
Ni hindi nga siya makapagsalita dahil sa bigat ng kanyang dila. Kung noon naging imposible na ang pagbabalikan nina Laurice at Herman dahil naging konektado na ang buhay ni Herman kay Marga, ngayon na siya naman ang may problema, mas hindi niya nakikita ang posibilidad na may happy ending sila ng babaing pinakamamahal.
Galit pa rin si Herman. Kailangan niyang maging matapang.
Maitaboy ang lalaking flying zombie.
“Kung ikaw nga si Nikolai, umalis ka na! Hindi ko magagawang makikipagsapalaran sa iyo dahil puwedeng may gagawin ka na masama puwede rin namang wala. But I want assurance na hindi mapapahamak ang pamilya ko sa iyo kaya umalis ka na!”
Natigilan si Nikolai. Hindi dahil nagagalit siya.
Kundi dahil apektado siya ng mga sinabi ni Herman.
May katotohanan naman kasi.
Sino ba naman ang magtitiwala sa kanya ngayon? Sino ba ang nakakasiguro na lagi niyang gagawin ang kung ano lang ang mabuti.
Siya ay nagalaw na ng may maitim na kapangyarihan. Sino ba ang nakakatiyak na hanggang ganito lang ang kasamaang tatalab sa kanya?
Itsura lang niya ang pangit? Ang nakakatakot?
Naluha si Nikolai.
At dahan-dahan nang ikinampay ang mga pakpak. Umangat siya. May hesitation na lumipad na sa kalawakan.
Naiyak si Laurice.
In her heart, sigurado siyang si Nikolai ang lalaking flying zombie. Ang she can swear, too … nakita niyang lumuha ito. Itutuloy