Dear Vanezza,
Gusto ko na pong ituwid lahat ng kamaliang ginawa ko sa magulang ko. Masyado po kasi akong naging rebelde sa kanila. Sa edad kong 16 hindi ko po maiwasan yung bisyo kong alak, sigarilyo at halos hindi na matulog kakatambay. Ngayon po ay may nararamdaman na ako, pero hindi ko sinasabi sa kanila kasi nahihiya ako. Ano po ba ang dapat kong gawin? - Ema
Dear Ema,
Mabuti’t habang maaga ay na-realize mo ang iyong nagawa at ang kahandaang ituwid ito. Lahat tayo’y nagkakamali at ito’y dahil na rin sa ating kahinaan na hindi natin napaglabanan. Tuluyan mo nang iwaksi ang mga bisyo mo. Wala itong buting maidudulot sa tao kundi sakit. Sisirain lang nito ang iyong kinabukasan at babaguhin ang iyong ugali. Hindi bisyo ang solusyon sa problema kundi ang panalangin. Bata ka pa at may magandang kinabukasang naghihintay. Ipakita mo sa iyong magulang ang iyong pagbabago. Ngayong bakasyon, tumulong ka sa gawaing bahay sa halip na tumambay. Tuwing oras ng pagkain ay sumalo ka sa kanila at makisali sa kuwentuhan ninyong magkakapatid bilang family bonding. Ikonsulta mo rin sa iyong magulang ang tungkol sa iniinda mong sakit bago pa ito lumala. Wag kang mahiyang magsabi sa kanila dahil sa oras ng kagipitan, pamilya pa rin ang magiging karamay mo.
Sumasaiyo,
Vanezza