Bata pa lamang si Daniel Olin nang lumipat ang kanilang pamilya sa Edmonton Canada.
Madaling naka-adjust si Daniel na makahanap ng bagong kaibigan nang lumipat siya sa ibang paaralan, pero nagbago ang lahat nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Naging bugnutin si Daniel at labis na naapektuhan sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang kaya naman sa murang edad ay nagrebelde siya.
Lumayas si Daniel sa kanilang bahay dahil sa sobrang sama ng loob. Tanging mapa at ilang piraso lamang ng candy ang kanyang baon nang siya ay umalis sa nagyeyelong lugar.
Lakad nang lakad ang bata na hindi alam ang paroroonan. Ang importante lamang sa kanya ay ang makalayo sa kanilang bahay.
Lubog na sa makapal na snow ang paa ni Daniel nang mabagsakan pa ng gumulong na bato ang kanyang kaliwang paa.
Sa sobrang sakit ay napaiyak na lamang si Daniel habang humihingi ng tulong. Laking gulat nito nang may mapansin siyang dalawang mata na kulay dilaw na nagmamasid sa kanya, isa itong puma. Ang puma o cougar ay isang klase ng malaking felid na native sa America. Sa lakas ng nasabing hayop ay kayang-kaya nitong durugin ang mga buto ni Daniel. Pero hindi niya ito ginawa at sa halip ay prinotektahan pa ang bata. Kwento ni Daniel, hindi siya iniwan ng pusa ng ilang oras. Lumalapit lamang ito sa kanya para mapanatiling mainit ang kanyang katawan hanggang sa makarinig sila ng boses at ma-rescue.