Rebound na ka-officemate

Dear Vanezza,

Nakipag-break sa akin ang BF ko, pero ngayon ay nakikipagbalikan muli kung kailan naman meron na akong iba na nagyaya naman sa akin na magpakasal. Ang totoo ay mahal ko pa rin ang dati kong BF na ginamit ko lang ang ka-officemate ko bilang rebound. Dahil gusto kong magselos ang dati kong BF. Kaya naki­pagrelasyon ako sa iba para may i-post ako sa Facebook at Instagram ko. Tumalab naman dahil nakuha ko ang atensyon ng dati kong nobyo. Ano ba ang gagawin ko?  - Yolly

Dear Yolly,

Hindi mo dapat ginagawang laruan ang damdamin ng iba para lamang sa iyong kapakanan. Pero mahalaga na matiyak mo kung sino sa kanila ang tunay at tapat na nagmamahal sa’yo. Timbangin mo ang sinisigaw ng iyong puso at ang idinidikta ng iyong isip. At kung saan ka maligaya siya ang piliin mo para wala kang pagsisihan sa sandaling piliin ang sa tingin mo’y mas nararapat sa kanila.

Kailangan mo rin matiyak na kung totoo ang pakikipagbalikan ng iyong dating nobyo. Paano kung hindi ka niya pakasalan at iwan muli sa ere? Kung totoo na hindi mo mahal ang BF mo ngayon ay pakawalan mo na dahil hindi niya deserve ang panloloko mo sa kanya. Kung nagyaya na siya ng kasal tiyak na totoo ang kanyang pagmamahal sa iyo. Hindi katulad ng panloloko mo sa kanya. Para lamang bumalik ang ex-BF mo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments