Mister na ikinukumpara sa iba

Dear Vanezza,

Ako po ay isang factory worker sa isang kompanya. Dalawang taon pa lamang kaming kasal ng misis ko at wala pa kaming anak. Pero naging madalas na mainitin ang ulo niya at laging mapanumbat. Sinasabihan ako na walang kuwenta at sana raw ay ‘di ako ang pinakasalan niya.

Gusto niyang mag-abroad ako. Kaso marami na akong inaplayan, pero wala akong suwerte. Naiinggit siya sa mga classmates niya na nasa abroad ang asawa. May pangarap ako na makaahon sa kahirapan, pero nagsisimula pa lang kaming magsama. Gusto ko nang iwanan ang misis ko dahil hindi ko naibigay ang mga materyal na luho na gusto niya. Sana po’y mabigyan ninyo ako ng payo. - Roi

Dear Roi,

Hindi dapat maging dahilan ng paghihiwalay ang kahirapan. Ito ay dapat maging hamon para makaahon sa hirap ng buhay. Mabuti na lamang at wala pa kayong anak na maaaring magdusa. Kapag malamig na ang ulo ni misis ay lambingin at sabihin sa kanya ang iyong plano na ipanalangin ninyong matupad. Sabihan din si misis na huwag kang ikumpara sa iba na hindi nakatutulong sa inyong pagsasama.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments