Makasisigurong fresh ang itlog na ating binibili sa supermarket dahil sa nakalagay na expiration date sa packaging nito. Pero paano naman ang mga sa palengke namimili katulad ng marami sa mga nanay?
Kadalasan kasi, malalaman kung bulok na ang itlog ‘pag binuksan lamang ito.
Para malaman kung sariwa pa ang itlog, gawin ang ‘float test’.
Simple lamang ang kakailanganin sa float test, malalim na baso, at tubig.
Ihulog nang mabuti ang itlog sa basong puno ng tubig. Kapag ito ay lumubog nang todo at nakahiga, makasisigurong fresh ang inyong nabili itlog.
Kung ito naman ay lumubog ngunit umangat sa bandang gitna, hindi na ito ganun kasariwa pero maaari pa ring kainin. Pwede itong gamitin sa baking, paggawa ng meringue, o gawing hard-boiled egg na swak ipampalaman sa tinapay kasama ang mayonnaise.
Pero paano kaya kung lumutang ang inyong nabiling itlog? Wag na itong kainin!
Lumulutang ang itlog dahil habang tumatagal, nag-e-evaporate ang moisture sa shell nito.