Importante sa lalaki ang kanyang pride, pero hindi maiwasan na masalag ang ego ng mister kung misis nito ay isang overseas Filipino workers.
Walang lalaki na komportable na nakadepende sa kanyang maybahay. Siguruduhin na ang aksyon at sinasabi kay mister ay hindi nakakasakit ng kanyang pride bilang lalaki. Mag-ingat sa binibitawang salita sa harap ni mister na parang minamaliit ang pagkatao ng lalaki komo’t si misis ay isang OFW na mas malaki ang suweldo. At ang pobreng mister ang naiiwan sa bahay kasama ang mga anak. Masakit sa lalaki na marinig na masabi ng misis na ang “pera ko” na dapat maliwanag noon pa man na “pera natin” bilang kayo ay mag-asawa.
Hindi lisensya na sabihin sa mukha ni mister na pera mo lang dahil ikaw ang breadwinner. Parang sinampal na si mister na ang kailangan lang ng pamilya ay si misis na OFW na siyang kumikita ng pera. Kahit pa tiyak na makararaos ang pamilya nang wala si tatay, pero huwag na itong ipagdikdikan pa sa harap ng asawa. Kung magkamali si mister ay itama ang kanyang ginawa. Upang maramdaman ng lalaki na pinapahalagahan ito ng asawa bilang siya pa rin ang dapat na lider ng pamilya.