Ang Poltergeist ay isa sa mga pelikulang itinuturing na may sumpa diumano.
Ayon sa kuwento, matapos itong gawin, naging sunud-sunod na ang pagkamatay ng mga artistang involved sa nasabing pelikula.
Unang naging biktima ng sumpa ang American actress na si Dominique Dunne na unang napanood sa unang parte ng Poltergeist, ito rin ang nagpasikat sa kanya.
Sa edad na 22 ay namatay si Dunne sa kadahilanang na-murder siya ng sariling nobyo.
Ang aktor at direktor naman na si Julian Beck na gumanap bilang pari na si Henry Kane sa pangalawang parte ay namatay sa cancer sa bituka noong 1985. Sa taong din iyon namatay ang aktor na si Will Sampson na gumanap naman bilang Taylor sa pangalawang bahagi pa rin ng pelikula. Post-operative kidney failure ang kanyang ikinamatay.
Ganunpaman, sa lahat ng mga pagkamatay na nangyari, nanatiling buhay ang pinakabida ng Poltergeist na si Heather O’Rourke na lumabas sa una, pangalawa at pangatlong parte ng pelikula - ‘yun ang akala ng lahat.
Ang pagkamatay ni O’Rourke ang sinasabing pinakamalala sa mga nangyari sa mga kasama niya.
Habang nagsu-shooting ito para sa final film, bigla na lamang itong nakaramdam ng matinding sakit ng tiyan. Hindi niya muna ito ininda pero agad na rin siyang isinugod sa ospital pagkatapos.
Nang siya ay makalabas na at maka-recover, bigla naman itong inatake sa puso kung saan kinailangan siyang operahan.
Nagkaroon ng septic shock si O’Rourke, isang uri ng komplikasyon kung saan bumabagsak ang immune system ng isang tao, dahilan para kumalat ang inflammation o pamamaga sa buong katawan.
Hindi natapos ni O’Rourke ang huling parte ng Poltergeist kaya gumamit na lang ng double.
Namatay siya sa edad na 12 habang inooperahan.