Multong Buhay (20)

ISANG napakatamis na ngiti ang ibinigay ni Agyana sa mga magulang. “Pasensya na po. Pero huwag kayong mag-alala, hindi na po mauulit. Mano po, Inay. Mano po, Itay.”

Natigilan ang mga magulang habang nagmamano si Agyana. Pero natuwa kaagad sila.

“Anak, ngayon lang kami nakatikim uli ng pagmamano mo. Noong bata ka pa huli mo itong ginawa, e.” Sabi ng ama.

“Oo nga, Agyana. Pero hindi kami nagre­reklamo, ha? Gustong-gusto pa nga namin, e.”

“Baka sa simbahan ka napatira ng dalawang araw, anak? Kaya ... kaya tumino ka nang ganyan?”

“Ikaw naman, Insiong. Huwag mo na ngang para pang sinusumbatan ang anak natin. Ang importante, gumagawa na siya ng tama.”

“Ah, sorry na, anak. At medyo nga napasundot pa ako ng konti. Tama ang Inay mo, sapat na itong ginagawa mo.”

“Naku, wala po ‘yon. Basta po para sa kabutihan ko, kahit ano po ay p’wede n’yo namang sabihin.”

“Okey, sige ... halika na at nakapagluto na kami ng hapunan. Kain na tayo nang sabay-sabay. Okay ba ‘yon??

“Oo naman po. Ganoon naman po talaga ang pamil­ya, magkakasabay kumain. Para makapagkuwentuhan, maging masaya, may bonding.”

“Eh, dati kasi ... ayaw mong sumabay sa amin, e.”

Natigilan si Agyana. “Ano po ba ang sinabi ko?”

“Ayaw mo kasing naiistorbo kaya mas gusto mo kumain mag-isa.”

“Naku, hindi na po  mangyayari ‘yon. Mula ngayon po, magkakasabay na tayo palaging kumain basta nandidito ako sa bahay.”

Nayakap ng mga magulang si Agyana.

“Maraming salamat, anak.”

“Mahal na mahal ka namin, Agyana.”

Si Agyana pa ang naglalagay ng pagkain sa plato ng mga magulang. Saka siya nagsandok ng para naman sa kanya.

At bago sumubo. “Dasal na po tayo.”

“Aba, oo!”

“Sino ang mangunguna? Ikaw ba, Agyana?”

“Ako po. Pikit na po tayo. Aming Panginoon, aming Diyos ... salamat po sa mga biyaya. Asahan po ninyo na ang idudulot na lakas ng mga pagkaing ito ay gagamitin lamang po namin sa kabutihan.”

Maluha-luha ang mga magulang, hindi makapaniwalang si Agyana ay isa nang ulirang anak.

Itutuloy

Show comments