Sanay na ang mga Pinoy sa malalakas na ulan at hangin na dala ng mga matitinding bagyo. Hindi pa kasali ang mga simpleng bagyo at pagbayo ng habagat. Pero ang tanong ay kung natuto na ba tayo sa ganitong panahon lalo na ngayong nananalasa ang super typhoon na Ompong.
Ano ba ang dapat gawin pa kung inaakalang nakapaghanda na sa mga basic na bagay tulad ng pag-stock ng mga pagkain, survival kits, pag-charge ng mga cell phone, flash lights, at iba pa.
Una ay kumalma at magdasal na malampasan ng bansa ang super typhoon dahil hindi madaling maka-survive sa ganitong panahon na matindi ang bagyo.
Sabihan ang bawat miyembro ng pamilya na huwag nang lumabas ng bahay. Samantalahin na makipag-bonding sa mga anak at asawa. Turuan ang mga bata sa kanilang mga assignments. Huwag din magbiyahe kinabukasan kahit tapos na ang bagyo. Para malampasan ang bagyo ay hindi lang sa dala ng hangin nito; kundi ang nakaambang na baha, landslide, mudslides, pagbagsak ng mga puno, o ibang bagay na natatangay ng hangin gaya ng debris na hindi lang nangyayari sa kasagsagan ng bagyo. Komo wala na ang matinding bagyo, hindi ibig sabihin ay ‘di na bubuhos ang ulan. Kaya mas mainam na manatili na lang muna sa bahay. Makinig sa radio at manood ng balita upang malaman ang official na accurate statement tungkol sa mga casualties ng bagyo. Para maging updated sa mga kaganapan sa paligid.
Malaki na ang improvement ng gobyerno at mamamayang Pinoy sa paghahanda sa mga bagyo, pero ibang usapan na tulad ng super typhoon na Ompong na nawa’y hindi mag-iwan ng malaking pinsala sa ating bansa.