MALAKAS pa rin ang loob ni Angela kahit hirap na dahil may sugat.
“Yawan, hindi natin naiintindihan ang mga nangyayari rito! Pero ramdam ko na kapag nagsanib ang pananalig natin, ang lakas natin ... matatalo natin siya kung sino man siyang gumugulo ngayon sa bundok na banal.”
Naisip ni Yawan na dapat siyang maniwala. Mananalig. Ito kasi ang ibig sabihin ni Angela, naiintindihan niya.
“Naniniwala ako! Gagapang ako, kailangan magkakalapit uli tayo, Angela!” At kahit duguan din dahil sa kanyang sugat, gumapang si Yawan.
Parehong gumagapang ang tao at ang kanyang anino.
Natanaw iyon ni Pio. Muling tumingin sa dalawa, sa kanyang isip ay inutos na tamaan uli ang mga ito ng puwersa niya.
Para hindi matuloy sa paglapit sa isa’t isa. Para hindi magkaisa ang mga puwersa ng tao at ng anino.
Pero talo pala ng pananalig ang kapangyarihan ng demonyo kahit sandali man lang.
Hindi matuluy-tuloy ang puwersa ni Pio sa pananakit kina Yawan at Angela. Kahit anong diin ng kanyang isip, walang lumalabas na puwersa para tumama sa dalawa.
Kaya patuloy na nakakalapit sa isa’t isa ang tao at ang kanyang unang anino.
Hanggang sa magkahawak-kamay na sila.
“Magdasal na tayo, Yawan.” Sabi ni Angela.
“Dasal?” Hindi pa sanay sa pagdadasal si Yawan. Hindi siya naturuan ni Alona dahil ipinanganak siya sa pugad ng mga demonyo.
Sa Itom.
“Hindi ako marunong, Angela.”
“Sumunod ka na lang sa akin, Yawan. Pero ito kasi ang mahalaga, e. Na sa bawat pagbigkas mo ng salitang sinabi ko, nasa puso mo ito. May kasamang malalim na damdamin. Doon napapakinggan ng Diyos ang pagdadasal natin, ang hiling natin.”
“Paano ang paggawa noon?”
“Kaya ka nakalabas sa kulungang banal dahil nagawa mo na ‘yon, Yawan. Nagamit mo na ang puso mo. May pumasok na diyan na puno ng kabutihan, saya ng pagmamahal ... balikan mo lang ‘yon, Yawan. At maniwala ka sa akin, mabubuksan ang puso mo. Nakakaalala kaagad ang puso, Yawan. Sige na, gawin mo na, please.”
Itutuloy