Pansin mo bang lumalala ang mga pimple mo kapag ikaw ay lumalantak ng tsokolate? Kung oo ang sagot mo, ito’y dahil may relasyon ang pagkain ng tsokolate sa paglala ng acne.
Sa isang pag-aaral na ginawa sa mga kalalakihang may edad 18-35 na may mild acne kung saan pinakain sila ng tsokolate, lumala ang kanilang acne matapos ang isang linggo.
Huwag masyadong mag-alala dahil ayon kay Dr. William Danby, makaaapekto lang ang pagkain ng tsokolate kung may acne ka na. Kung wala naman ay hindi ito magiging problema. Isa pang magandang balita, sa isang pagsusuri na ginawa ay walang epekto ang pagkain ng dairy-free chocolate o ‘yung gawa sa purong cacao lang. Kaya nga lang, may kapaitan ito at hindi kalasa ng tsokolateng ating nakasanayan.
Mas mabuti rin ang dark chocolate sa mga nagkakaedad na dahil mataas ito sa antioxidants at nakapagpapaganda ng lagay ng ating puso.