NARARAMDAMAN ni Angela ang kapangyarihang lumulukob sa bundok na banal.
Itim. Masama. Masakit.
Siya lamang at si Yawan ang nakakaramdam ng sakit. Hirap sa paghinga. Katawan na parang pinipiga.
“AAAAHHHHH!” Napapasigaw na si Angela.
At may isa pang sumisigaw. Nasasaktan din. Nahihirapan.
“AAAAAHHHHH!” Si Yawan.
Napatingin sa direksiyon niya si Angela.
“S-si Yawan, pareho kaming apektado. Kaming mga hindi nagagalit, nasasaktan at nahihirapan naman.”
Kahit hirap sa paglakad, pinilit ni Angela na makalapit kay Yawan.
Natumba siya. Hindi makatayo.
Nakita niyang bumagsak na rin sa mga damo si Yawan. At hindi rin makatayo. Namimilipit sa sakit.
Parang may puwersang dumidiin din dito sa lupa.
Sina Yawanaya naman at Alona, dahil nga nagagalit kay Ariel ay parang walang nakikita.
Si Ariel lalo na. Madilim na ang isip nito, nanlilisik ang mga mata.
Ang tatlo ay nilukukuban ng kapangyarihang hawak ni Pio. Naghahari ang kapangyarihan ng demonyo sa bahaging ito ng bundok na banal.
SA IMPIYERNO ay nangungulo ng dasal ang hari ng mga demonyo. Ang mga kampong demonyo na napakarami ay sumusunod.
Nagdadasal sa kanilang hari.
Ang apoy ay lalong naglalagablab.
Ang kanilang kapangyarihan ay naglakbay. Patungo sa bundok na banal. Ang bundok ng Diyos.
Ang mga kulog at kidlat ay lalo pang nagngingitngit.
Si Angela lamang ang nakakasaksi ng lahat. Ang nakatakdang pagkatalo ng kabutihan sa mismong bundok ng kabanalan.
“H-hindi ... hindi dapat matalo.” Hirap na nagsalita si Angela.
Sinisikap niyang utusan ang sariling katawan na magpalakas. Kailangang makalapit siya kay Yawan para magsanib puwersa sila.
“Alam ko na ... kailangang ... lumaban kami ni Yawan ... ipag...tanggol ang bundok na banal. Kaming dalawa ang pag-asa.” ITUTULOY