Pangalawang Anino (552)
SI YAWANAYA, himalang lumambot. “Sige na nga. Buburahin ko pagdududa ko lahat kay Pio. Alang-alang sa lahat.”
“Salamat, Yawanaya.” Tuwang-tuwa si Angela.
Pero si Ariel ay nagseselos. “Mukhang hulog na hulog na ang loob mo kay Pio, Angela.”
“Bilang kaibigan lang, Ariel.”
“Paano ako nakakasiguro?” Kinakain ng paninibugho si Ariel.
“Ariel, ‘di ba sabi ko, tiwala lang?”
Habang naririnig ni Pio ang usapan ng magkasintahan, tumatakbo naman ang kanyang isip.
“Ang paninibugho ay isang kasalanan. Ang kawalan ng tiwala sa iyong minamahal ay malaking puntos sa amin. Puwede ko itong palalain. Puwedeng gawin kong simula para magkakaroon ng gulo rito sa bundok na banal at mananalo rito ang kasamaan.”
At dahil nga ang mga demonyo ay matatalino rin lalo na kung isang prinsepe, naplantsa kaagad sa isip ni Pio ang mabrilyong plano na kailangang simulan.
“Ariel, hindi ako makakapagsinungaling.”
Kumunot ang noo ni Ariel. “Ano ang ibig mong sabihin?”
“Napapaibig na talaga ako kay Angela. Ayaw kitang lokohin. At handa ko siyang ipaglaban sa tamang paraan.”
Nagalit agad si Ariel. “Sabi ko na nga ba traydor ka!”
“Hindi naman ako traydor. Sinabi ko na naman sa iyo ng lantaran, e. Hindi pa kayo mag-asawa. Ariel. Kaya may karapatan ako magpahayag ng damdamin ko.”
“May nobyo na siya. Magpapakasal na kami. Irespeto mo ‘yan!”
Hindi kumibo si Pio. Tumitig lang kay Ariel. Tingin naman ni Ariel ay hinahamon talaga siya ng taong ito.
“Liligawan mo pa rin si Angela kahit malapit nang ikasal?”
“Hindi mo ako mapipigilan, Ariel.”
Umigkas na ang galit ni Ariel pati na rin ang kamao.
Malakas na malakas.
Lumakas din ang mga kulog at kidlat.
HUMAHALAKHAK sa impiyerno ang haring demonyo. “Hahahaaa! Kapag nabahiran ng kasalanan ang mga mababait sa bundok na banal, maghahari roon ang kadiliman! Matalino ang anak ko, kayang-kaya niyang hilahin sa kasalanan ang mga nandodoon!”
Itutuloy
- Latest