NAGALIT si Pio.
Sa iniisip na dahil lamang sa dasal ng isang normal na tao ay tinablan na siya.
Pero hindi pa panahon para ilantad niya kung sino siya. Kailangan niyang gamitan ng utak ang pakikipaglaban.
Nakalapit naman sina Angela.
“Ariel, ano’ng nangyayari?”
“Nagdasal ako. Tapos nagkakaganyan na siya. Tingin ko, hindi siya mabuting puwersa kaya masama ang epekto sa kanya ng dasal.”
“Pero sigurado ka na bang masama siya?” Tanong ni Angela.
“Angela, kung hindi siya masama, hindi ganyan ang epekto ng dasal ko.”
Tinitiis lang ni Pio ang pangangati at pamamantal. Para lamang iligaw pa rin ang paniniwala nina Angela.
Laro pa rin ito ng pakikipaglaban niya.
“Pero kung masama siyang puwersa de sana may ginagawa na siyang ganti sa iyo.” Nagdadalawang-isip na rin si Alona.
“Tama si Inay Alona. Kaya puwede bang huwag mo muna siyang husgahan, Ariel?”
Pumabor kay Pio ang pag-aalinlangan nina Alona at Angela. Nawala ang pangangati, ang mga pantal-pantal.
Natigilan si Ariel.
“Ariel, tingnan mo ... okay na siya.”
“Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito, Angela ...”
“Hindi ko alam kung paano ako naligaw dito sa banal na bundok. Wala akong relihiyon dahil isa akong pagano. Pero wala akong iniisip na masama kahit kanino.” Mapagpakumbabang nagsalita si Pio.
“Kaya siguro kanina, hindi maganda ang epekto sa kanya ang dasal mo, Ariel. Dahil para siyang isang tao na hindi pa lang malapit sa Diyos.”
“Pero inuulit ko, hindi ako masama. Siguro, kailangan ko lang kumapit sa Diyos na mabait para hindi na maulit ‘yung ganoong epekto sa akin.”
“Pero paano ang mga kidlat at kulog na ngayon lang nangyayari sa bundok na banal? Hanggang ngayon pa nga, o.” Giit ni Yawanaya.
“Puwedeng magtiwala lang tayo? Tutal bundok na banal naman ito, e. Magtiwala tayong kahit pa sino ang nakarating dito, pagano man o hindi, walang mangyayaring masama sa atin. Sige na, Yawanaya. Sige na, Ariel.” Nakikiusap si Angela. Itutuloy