Pangalawang Anino (547)

HABANG naghihintay ng masasakyan, tumigil na naman ang ulan.

“Makakakuha na tayo ng sasakyan para madala kita sa ospital. Kahit pa ano ang sakit mo, tiyak kong gagamutin ka nila. Dahil walang problema sa pambayad, napakayaman mo! Napakaraming pera rito sa bag ko na nanggaling sa bilao mo!”

Wala pa ring maasahang sagot kay Brummo.

Dahil nanginginig lang ito, wala pa ring kamalayan.

Mainit na mainit ang temperatura.

May dumaang taxi.

“Paraaaa!”

Pumara naman ang taxi. “Ano’ng nangyayari riyan? Baka kung ano ang sakit niya, baka nakakahawa?”

Nainis si Marianne. “Mama naman, istranghero rin sa akin ang taong ito. Nakita ko lang nakabulagta habang nasa jeep ako, ligtas sa baha. Pero hindi ko siya natiis. Kaya sana naman, kahit ano’ng takot diyan sa utak ninyo, unahin muna natin ang malasakit sa kapwa.”

“O sige, pero dagdag one hundred kahit saan kayo pupunta rito sa siyudad!”

“Huwag kayong mag-alala kahit doblehin pa ninyo ang patong!”

“Okies!”

“Tulungan ho ninyo akong isakay siya!”

DINALA sa ospital si Brummo.

Inilagay ito sa stretcher.

“Ano’ng nangyari rito? Saka ano itong dalawang bulaklak sa kanyang ulo? Nakadikit o ... talagang kabahagi niya?”

Manghang-mangha ang doctor sa emergency room.

Pabulong na sumagot si Marianne. “Dok, wala rin ho akong ideya kung ano talaga ang mga bulaklak na ‘yan. Alamin n’yo na lang. Nasa inyong mga kamay ho ngayon ang kaligtasan niya. Maghihintay lang ho ako dito sa labas. May pambayad ho siya, Dok. Sinisiguro ko sa inyo.”

“No problem.”

KABADONG naghintay sa harap ng emergency room si Marianne.

Puno pa rin ng mga mahiwagang tanong si Marianne sa isip.

“Bakit may dalawang bulaklak siya sa ulo na parang hindi matatanggal”

“Kaya ba siya laging may bilao sa ulo para hindi mahalatang may mga bulaklak siya?”

“Ano ang kanyang sakit?”

“Mabubuhay ba siya?”

Nang lumabas ang doktor, ngumiti lang ito sa kanya, walang sinabi. Pero parang nagmamadali.

Lalo tuloy kinakabahan si Marianne.

“Ano ang maari nilang gawin kapag napatuna-yang talagang may dalawang buhay na bulaklak sa ulo ang mamang nasa loob?” Itutuloy

Show comments