NAKATANAW si Pio kina Yawanaya at Ariel na nag-uusap. Inutusan niya ang isip na kailangang marinig niya ang pinag-uusapan ng dalawa.
Narinig nga niya ang boses ni Ariel na nagsasalita kahit mga labing-limang metro ang layo niya sa dalawa.
“Ano ang gagawin natin, Yawanaya para mapaalis siya rito?”
“Hindi natin siya puwedeng utusang umalis o piliting umalis. Baka biglang ilabas na niya ang kanyang kasamaan, baka kung ano ang gagawin. Baka masaktan sina Yawan, Angela at Inay Alona.”
“Mag-isip tayo ng dahilan para mapaalis natin siya.”
“Sabihin kaya nating utos ng banal na bundok na ngayong nasa labas na ng banal na kulungan si Yawan ay kailangang umalis muna siya?”
“Magtatanong siyempre siya kung bakit ganoon ang inutos ng banal na bundok?”
Napabuntong-hininga si Yawanaya. “Hindi naman iyon ang problema. Ang problema at hindi maganda ay magsisinungaling pa tayo. Alam na naman natin ‘yan na ang mabait na Diyos ay ayaw ng kasinungalingan.”
Natigilan din si Ariel. “Oo nga. Kapag nga nagsinungaling kami ni Angela kahit konti lang, nangungumpisal agad kami kay Father.”
“Bantayan na lang natin talaga bawat ang galaw niya.”
“Ariel ... hindi kaya naririnig tayo ni Pio? Kanina pa siya nakatayo roon.”
“Ang layo niya. Paano tayo maririnig?”
“Paano kung may kapangyarihan ‘yan? Kung may kakayahan na hindi ordinary?”
“Yawanaya, sabihin natin kina Angela na mag-alay tayo ng maraming dasal para kung may masamang balak sa atin ang Pio na ‘yan, matutulungan tayo.”
“Mabuti pa! Dito sa banal na bundok, dasal lang naman talaga ang makakapitan natin!”
“At makapangyarihan ang bundok na ito, kapag kampon pala ng kasamaan ang Pio na ‘yan, malalabanan natin siya sa tulong ng banal na bundok.”
SI PIO ay biglang naalarma dahil parang nagkaroon ng masasakit na ingay ang kanyang mga teynga.
Hinawakan niya ang dalawang teynga para kontrolin ang ingay at sakit. “May sumisira sa mga teynga ko para hindi ko na marinig sina Ariel at Yawanaya! Aaaahhhh! Ang sakiiiit!”
Nagsimula na ang laban sa banal na bundok.
Itutuloy