PASIKRETONG nagkausap sina Yawanaya at Ariel.
“Tingnan mo sina Inay Alona at Angela, ang gaan din ng loob nila kay Pio, ano?”
“Oo nga. Tiwalang-tiwala sila. Okay din naman sa akin si Pio noong bagong dating ako.”
“Hindi ka na bagong dating. Bakit, may nagbago?”
Hindi makasagot si Ariel.
Tumingin na lang siya kay Yawan na parang batang hinahabol ang mga ibon at paru-paro.
Pero hindi sinasaktan.
Kapag nakahuli, hinihimas-himas lang ang mga ito ng buong pagmamahal.
At nagpapahuli rin naman talaga ang mga ibon at paru-paro. Na katitingkad ng mga kulay.
Hindi maisalarawan sa ganda.
“At si Yawan, ano kaya ang nararamdaman niya kay Pio? Tiwala o may pagdududa?”
“Wala pa halos kamalayan si Yawan. Para siyang batang isinilang na buong kainosentehang ina-appreciate ang ganda ng bundok na banal. Maaring bingi at bulag pa siya sa mga pangit na naliligaw dito sa paraiso ng Diyos.”
“Yawanaya, bakit nga ba ang layo ng loob mo kay Pio?”
“Dati na akong naging masama, Ariel. Kaya nararamdaman ko ang koneksiyon sa masama kong nakaraan. Kapag malapit sa akin ang may katulad ng pagkatao ko dati.”
“M-masama si Pio?”
“May koneksiyon siya ... doon sa hindi mabuti. Iyan ang basa ko sa kanya.”
“Sino siya? Ano siya? Halimaw din? Nagbabalatkayo lang? Kapag nagpakita sa totoo niyang anyo ay ... nakakasindak?”
“Ang kisig niya, hindi ba? Ang guwapo, ang amo ng mukha.”
“Kaya nga selos ako noong una. Baka naaakit sa kanya si Angela.”
“Huwag kang magselos. Ikaw naman talaga ang mahal ni Angela. Pero tayong lahat ay nanganganib dito kapag ang Pio na ‘yan ay ... napakalaki ng koneksiyon sa hari ng mga demonyo.”
“Bakit hindi natin unahan? Bakit di natin hulihin at ikulong sa kulungan na banal ngayon pa lang? Maniguro tayo! Itutuloy