Pinagkakaguluhan ngayon ng mga tao ang pulang likido kung saan nakalublob ang tatlong agnas nang mga mummy sa lugar ng Alexandria sa bansang Egypt. Natagpuan ang mga mummy na ito sa loob ng isang burial chamber na halos dalawang libong taon na ang tanda.
Kumalat ang balitang nakagagaling daw ng sakit at makapagbibigay ng buhay na walang hanggan ang nasabing pulang likido o tinatawag nilang ‘Mummy juice’.
May mangilan-ngilan namang hindi naniwala at nagsabing baka isa lang itong kemikal, katulad ng mercury.
Nakalagay ang tatlong mummy sa isang malaking sarcophagus, o isang bato kung saan inilalagay ang kanilang mga kabaong.
Pinaniwalaan nilang ang isa sa tatlong mummy daw na ‘yun ay kay Alexander the Great, pero nauna nang itinanggi ng General Secretary nila ng Supreme Council of Antiquities na si Dr. Moustafa Waziri na bangkay ito ng isang Pari.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng isa lang daw itong tubig na nanggaling sa mga kanal o tubo kaya nakapasok ang tubig doon. Pero hindi pa rin natinag ang mga tao, sa halip, gumawa pa sila ng isang online petition na “let the people drink the red liquid from the dark sarcophagus” na nakakalap na ng mahigit 16,000 signatures.
“We need to drink the red liquid from the cursed dark sarcophagus in the form of some sort of carbonated energy drink so we can assume its powers and finally die,” paliwanag ng founder ng nasabing petisyon na si Innes McKendrick.