Aug. 5, 1962 nang matagpuan ang walang buhay na katawan ng Hollywood Icon na si Marilyn Monroe sa tinutuluyan nito sa Los Angeles. Sinasabing ang aktres daw ay nagpakamatay sa pamamagitan ng drug overdose, pero ang hinala ng marami, sinadya ito at ang kanyang nobyo noon na si Senator Bobby Kennedy ang may pakana.
Lumipas na ang maraming dekada pero hindi pa rin limot ng karamihan si Marilyn at may ilang mga tao na ang nagsasabi na nakikita pa rin daw nila hanggang ngayon ang aktres.
Isa lang ang Roosevelt Hotel sa paboritong puntahan ni Marilyn kapag gusto niyang mag-relax, at dito rin daw ang may pinakamaraming sightings ng kanyang pagpapakita.
Ang room #1200 sa nasabing hotel ang paborito niyang kwarto, maraming guest na ang nagsasabi na sa tuwing mananalamin sila sa salamin na nakasabit doon, repleksyon daw ng isang blonde na babae ang kanilang nakikita at pinaniniwalaan nilang si Marilyn iyon.
Nang kunin nila ang salamin sa nasabing kwarto at ilipat na sa lobby, akala nila ay matatapos na ang pagpapakita, pero mas dumalas lang ang aparisyon kaya iniligay na lang nila ito sa bodega. Madalas din daw nilang maamoy ang isang pamilyar na pabango sa buong hotel, pabango niya noong nabubuhay pa siya.