Ang pangingisda ang isa sa pangunahing hanapbuhay ng mga Pilipino. Sagana kasi ang bansa sa mga natural na yamang-dagat dahil napapalibutan tayo ng karagatan. Kagaya ng ibang trabaho, weder-weder din lang ang kita sa pangingisda. Pero ilan sa ating mga kababayan ang sinuwerte sa paglalambat dahil sa ‘di nila inaasahang higanteng isda ang kanilang mahuhuli.
Noong 2012, isang higanteng lapu-lapu na kasing laki ng tao ang nalambat sa karagatan ng Borongan, Eastern Samar. Nasira pa nga ang lambat ng mga mangingisda at nahirapan sila sa pagdadala nito sa palengke.
Sulit ang hirap ng mga tao dahil nang timbangin, tumataginting na 200 kilo ang bigat ng naturang isda at dahil diyan, naibenta nila ito ng P15,000.
Kamakailan ay isang lapu-lapu naman ang nahuli sa Calabangga, Camarines Sur na may bigat na 150 kilo. Maayos kasi ang pangangalaga ng mga awtoridad sa fish sanctuary sa naturang lugar kaya ‘di nakapagtataka na makakahuli talaga ng malalaking isda sa lugar.
Taong 2017, isang giant malasugue o blue marlin ang nahuli sa Mariveles, Bataan. Umabot sa mahigit 400 kilo ang timbang ng higanteng isda. Ayon sa mga mangingisda na mismong nakahuli ng blue marlin ay hinahatak ng higanteng isda ang kanilang bangka nang mahuli nila ito malapit sa Fortune Island, isang beach na puntahan din ng mga bakasyonista. Nagtulung-tulong ang dalawampung katao upang mabuhat ang higanteng Blue Marlin.
Ayon sa mga taga-roon, iyon ang unang pagkakataon na makahuli sila ng higanteng blue marlin.