Pangalawang Anino (415)

PINAGMAMASDAN ni Yawan kung gaano na kapangit ang kanyang itsura. Dati, pingas-pingas lang.

Pero ngayon, biyak na rin ang kanyang ulo.

“Paano nga ba ako matatanggap? Paano ­silang hindi matatakot sa ganitong itsura?”

“At saka paano pa kita mahahanap, Arturo?

“Pagsubok ba ito, Diyos na mabait? Pagsubok lang?”

Pinakikiramdaman ni Yawan ang sarili. Mauubos ba ang kanyang dugo? Mamamatay na ba siya?

Kung tutuusin, iyon na nga lang naman talaga ang gusto niya.

Na matapos na ang lahat.

Kung hindi niya mahahanap si Arturo, mabuti pa nga kung matatapos na ang lahat.

Paano ba niya tatapusin ang isang buhay na alagad pa rin ng demonyo?

Sasaksakin ang puso, iuumpog ang biyak na ulo sa pader na matigas?

Habang patuloy ang pag-iisip kung paano na mamatay, bukas naman ang tv na tangi niyang libangan sa bahay-bakasyonan na ito.

May mga ini-interview ang isang TV reporter.

Dahil may aksidenteng nangyari sa isang ginagawang mataas na building sa Maynila.

May bumagsak na crane at may mga construction workers na namatay. Pero may nakaligtas din.

“Si Arturo!” Napasigaw si Yawan.

Nawalang bigla ang planong pagpapakamatay.

Patuloy ang pag-interview ng reporter kay Arturo na chief engineer pala sa project.

“Sir, kung hindi raw dahil sa inyo ay hindi na-save iyung dalawa pang tauhan na nakalambitin na lang.”

“Hinahangaan ko rin ang tibay ng loob nila. Ang katatagan. Kung nataranta sila o nag-panic, hindi ko sila maire-rescue.”

  “You mean, iniligtas din nila ang sarili nila?”

“Talagang totoo ‘yan. Pero   nalulungkot kami sa nangyari sa aming mga kasamahan. Lalo na sa kanilang mga pamilya.”

Napangiti na si Yawan. “Hindi ko nga siya nahanap pero natagpuan ko pa rin siya. Kaya naman pala wala siya dito, nagtatrabaho lang.” -  ITUTULOY

 

 

Show comments