ANG mga pulis na napagaling nina Yawan ay sambang-samba sa kanila. Inilabas sila sa kulungan.
Ginawan ng panibagong altar na may mga imahe ng totoong Diyos.
“Handa kaming mag-aral ng mga awiting para sa Diyos, Miss Yawan at Yawanaya. Para matuwa kayo sa amin.”
Ayaw nang magpanggap ni Yawan na mabait. “Huwag na! Boring na!”
“Ha?” Taka ang mga pulis.
“Halika na, Yawanaya! Tapos na ang pagpi-pretend natin dito! May nanalo na!”
“Sino? Si Nanette? Tanggap mong talo ka?”
“Sa ngayon, ibigay na muna natin sa kanya! Pero marami pang susunod na laban! Tena!”
At mabilis na tumakbo si Yawan at ang pangalawang anino. Palayo sa presinto.
Sa mga pulis at mga tao na napatanga.
“Niloko lang pala nila tayo!”
“Pero nagpagaling sila ng mga may sakit! At tayo, kung hindi niya tayo ginamot nang malason tayo sa ating mga mineryenda, baka namatay na rin tayo!”
“Hindi kaya ... sila rin ang nagmadyik doon sa mga mineryenda natin? Hindi kaya sila rin ang naglagay ng mga lason?”
Nagkatinginan ang mga pulis.
“Baka nga. Kilala naman natin ang nagtitinda, matagal na natin siyang suki, minsan man ay hindi sumakit ang tiyan natin sa mga paninda niya.”
“Talagang masasama sila!”
“Nabalitaan n’yo na ba ang mga pinagaling at binuhay nila, pati ang nawala na natagpuan?”
“Bakit, ano ang nangyari sa mga ‘yon?”
“Balitang pumangit ang ugali ng lahat. Mga pasaway na. Meron pa ngang naging murderer na, e. Kahit noon ay napakabait.”
Nanlumo ang lahat.
Dahil napaniwala silang naisahan sila ng puwersa ng demonyo.
Sa isang bahay na abandonado naman nagtago muna sina Yawan at Yawanaya.
“Paano na ito ngayon? Ililigtas ba natin ang nanay mo?”
“Para lang mapatunayan nating kaya kong matalo si Nanette, oo, gagawin natin ‘yan!” - ITUTULOY